ANG HINDI MAINTINDIHANG BANAL NA SANTATLO NG MGA IGLESIA NI CRISTO 1914

Ang perichoresis (griyego) o circumincession (latin) ay tumutukoy sa buong relasyon o ugnayan ng tatlong persona ng Santisima Trinadad sa bawat isa.

Ayon sa Fundamentals of Catholic Dogma na akda ni Dr. Ludwig Ott sa pahina 71, ito ay tumutukoy sa pag-iral ng tatlong Banal na persona, gaya ng pag-iral ng presensya ng persona ng Ama sa buhay ng Anak at ng Espiritu Santo at gayon naman ang alin man sa dalawang huling nabanggit sa Ama.

Sapagkat ang terminong perichoresis ay nagmula sa salitang ‘peri’ na ang ibig-sabihin ay ‘palibot’ at ang ‘chorein’ naman ay ‘isapaloob’ ay gayun din naman ang ‘circumincession’ na mula sa dalawang salitang latin na ‘circum’ na ang ibig ipakahulugan ay ‘palibot’ din at ‘incidere’ na tumutukoy sa ‘paghayo’ o ‘pagsaklaw’. Ang dalawang termino ay tumutukoy sa pag-inog ng ‘buong’ presensya at hindi lamang ng ‘parte’ ng alinman sa tatlong persona sa bawat isa.

Ipinapakita lamang ng Doktrina ng Perichoresis ang matibay na pag-iral sa pantay na estado at buhay ang bawat isa man sa tatlong persona. Ang pagiging pantay o co-equal sa anumang pagkakataon ay nag-uugat sa kaisahan sa substansya o esensya o naturalesa ng kanilang pagka Diyos. Kaya’t ang pag-iral ng isa sa alinman sa natitirang dalawang persona ay nagpapahayag ng pagiging simple ng Diyos sa kanyang kaisahan bagama’t may tatlong magkakaibang persona sa kanyang sarili. Ito din ang Katolikong Paniniwala na isinasaad ng katesismo ng Santa Iglesia Katolika.

266 “Now this is the Catholic faith: We worship one God in the Trinity and the Trinity in unity, without either confusing the persons or dividing the substance; for the person of the Father is one, the Son’s is another, the Holy Spirit’s another; but the Godhead of the Father, Son and Holy Spirit is one, their glory equal, their majesty coeternal” (Athanasian Creed: DS 75; ND 16).

Ilan sa mga tuwirang kapahayagan ng Perichoresis ang mababasa sa Bibliya ay ang mga sumusunod:

Juan 10: 38, Ang pag-iral ng Ama sa Anak
“38Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako’y nasa kanya.”

Ang pagiging isa sa substansya ng Anak at Ama, ayon sa sariling wika ni Hesus, ang salita ng Katotohanan.

Juan 10:30

“30 Ako at ang Ama ay iisa.”

Juan 8:29
“29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka’t ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya’y nakalulugod”.

Juan 14:9

9Sinabi ni Jesus sa kaniya: Felipe, matagal nang panahon na ako ay kasama ninyo at hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabi: Ipakita mo sa amin ang Ama? 10Hindi ka ba sumasampalataya na ako ay nananahan sa Ama at ang Ama ay nananahan sa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Ama na nananahan sa akin, siya ang gumagawa ng mga gawain. 11Sampalatayanan mo ako na ako ay sumasa Ama at ang Ama ay sumasa akin. Ngunit kung hindi, sumampalataya ka sa akin dahil sa mga gawa.

Ang pamamahay ng presensya ng Banal na Espiritu ay naihayag naman sa 1 Corinto 2:10:

“10Nguni’t ang mga ito ay ipinahayag sa atin ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu; sapagka’t nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalalim na mga bagay ng Dios. 11Sapagka’t sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya? gayon din naman ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios. 12Nguni’t ating tinanggap, hindi ang espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang ating mapagkilala ang mga bagay na sa atin ay ibinigay na walang bayad ng Dios.

Buhat sa pananatili ng presensya ng isa sa alinman o sa parehong persona ay nagsasaad ng matibay na ugnayan o relasyon (intimacy). Gaya ng pag-ibig, ang relasyon ng bawat isa sa kani-kaniya ay malalim at misteryoso. Ang pagiging sakop ng isa sa alinman o sa kaparehong dalawang persona ay kapahayagan ng pakikiisa at hindi kapahayagan ng pagiging mababa o nakahihigit sa parte ng sumasakop. Mayroong pag-inog ang isa sa natitirang dalawa sa pagka’t ang kanilang ugnayan ay perfecto na naaarok lamang ng lubos ng Espiritu sa pamamagitan ng karunungang buhat sa Ama.

Ang pakikipag relasyon ng isa sa kaparehong persona ay hindi lamang pumapatungkol sa relasyon ukol sa pag-aaruga kung hindi yaong ukol sa pagpasok at pananatili sa mismong presensya ng kaparehong persona upang maging payak. Kaya nga’t ang Diyos ay tatlo ayon sa persona ngunit isa ayon sa substansya. Ang pagiging isa ng tatlong persona ukol sa substansya ay nagdudulot ng kawalan ng kontradiksyon sa anumang ugnayang mayroon sa kanilang pag-iral. May ugnayang nagaganap sa bawat isa sa kanila sapagkat mayroong pag-iral. Kaya ang matibay din na pruweba upang maipakilala ang Santisima Trinidad ay ang mga ugnayan ng magkakaibang personang higit sa isa ngunit humahantong sa kapayakan o pagiging simple ng Diyos at sa iisang layunin nito, ang pagliligtas sa Sangkatauhan.

Isinaliksik ni Terrence Gil Relucio