Nais ko lang po ibahagi sa inyo ang katatapos lang na pag-uusap namin ng mga miembro ng Mga Saksi Na Jehovah sa may harap ng aming simbahan.

Background: Tatlong beses na akong nakiusap na sana, na kung maari ay huwag sila mamigay ng mga lathalain nila sa may harap ng simbahan tlaga (directly in front of the church, very near the gate). Respeto na lang sana, kako. Nung pangalawang pakiusap, tumalima naman sa pakiusap at nawala for two weeks or so. Pero ayun na naman bumalik parin. Nasa harap ng simbahan mula Lunes hanggang Linggo; walang patawad. Bilang pari may katungkulan ako na ipagtanggol ang mga tupa ni Jesus, lalo na’t harap-harapan ang kawalang respeto sa kabila na pakiusap.

Kaya ang nangyari kanina ay lumabas ako sa kumbento at kinausap ko uli sila.

Ako: Magandang umaga po.
JW: Magandang umaga din po.

Ako: Mamimigay po ako ng polyeto sa inyo tungkol naman ito sa mga turo ninyong Mga Saksi ni Jehovah mula naman sa perspektibo ng Iglesia Katolika. Ito po tanggapin nyo po.
JW: Hindi na po. Nakarating na din sa amin ang tungkol dyan. Meron din kami. Yan po oh.
Ako: Ah sinabi na po pala sa inyo na namimigay kami ng polyeto tungkol sa inyo. Buti po naman. Ipamalita nyo po sa mga kasamahan nyo itong panimigay namin baka gusto nila ng kopya.

Ako: Eh total kahit tatlong beses na akong nakiusap sa inyo na kung pwede sana ay huwag kayo dito sa harap mismo ng simbahan, andito parin kayo, eh kaya tatanungin ko na lang po kayo tungkol sa doktrina nyo.
JW: Public place po ito Father.
Ako: Huwag mo po ako tawaging “Father” di kita anak sa pananampalataya.
JW: Ah ok po…nagkamali..sir…sir...

Ako: Tama po public place po ito kaya naman ako’y nakiusap…nakiusap tatlong beses na sana huwag direktamente sa harap ng simbahan namin. Pero andito parin kayo…sabi mo public place ito kaya pwede kayo lapitan at tanungin ng kahit sino…Kaya magtatanong na lang ako. Ito tanong ko: SINO SI JESUCRISTO AYON SA TURO NG MGA SAKSI NI JEHOVAH?
JW: Anak ni Jehovah.

Ako: Ok. Nung bago pa siya pumarito sa mundo, ano sya? Sino sya? Sige po.
JW: Sya po ay si Miguel Arkanghel. Ipinanganak sya ni Maria.

Ako: Saan mo mababasa sa Biblia na si Jesucristo ay sya ring si Miguel Arkanghel bago pumunta dito sa lupa. Anong talata po.
JW: Meron po dyan. Hindi ko lang memoryado. Basta meron po.

Ako: Andito kayo…pero hindi kayo handa…pinag-aaralan nyo yung REASONING FROM THE SCRIPTURES, di po ba?
JW: Eh basta nasa Biblia po yun.
Ako: Okay sige…ibang tanong na lang..yun handa kayo…anong tanong gusto nyong itanong ko? Kayo magsabi. (Ayaw magsalita.)

Ako: Ito na lang: YUN BANG “JEHOVAH” AY ANG ORIHINAL AT TANGING PANGALAN NG DIOS SA WIKANG HEBREO?
JW1: Ah opo.
JW2: Ay yun po ay YAHWEH.
Ako: Oh mga kapatid mag-usap muna kayong dalawa kung ano talaga sagot nyo.😂

JW2: Yun pong “Yahweh” ay ang panglan ng Dios sa Hebreo.
JW1: Parang “Jose” pero sa English “Joseph.”
Ako: Ibig nyong sabihin, sa Hebreo “Yahweh” pero sa English “Jehovah”?

(Di sumagot)
Ako: Ito, kung ang orihinal pala na panglan ay “Yahweh” sabi nyo, BAKIT MGA SAKSI NI JEHOVAH pangalan nyo ay hindi MGA SAKSI NI YAHWEH? Sabi nyo pa naman mahalaga ang orihinal na pangalan ng Dios.
JW: Kasi yung “Yahweh” ay sa Hebreo po yun. Ginamit namin dito ay “Jehovah.”

Ako: Susundan ko po yang sinasabi ninyo. Tanong: Yun po bang mga miembro nyo dun sa Israel tinatawag nyo bang MGA SAKSI NI YAHWEH dahil mga Hebreo yun eh? “Mga Saksi ni Yahweh” tawag nyo o “Mga Saksi ni Jehovah” parin? (Butata yata.😁)

(Muli sa ika-apat na beses ako’y nakiusap na kung pwede sana ay huwag direktamente sa harap ng aming simbahan sila maglagi at mamigay ng mga lathalain. Sabi ko, dahil pakiusap lamang ito, nasa kanila parin ang pagpapasya. Pero, sabi ko, hanggang andito sila sa harap mismo ng simbahan, pupuntahan ko sila at kakausapin –magtatanong ako tungkol sa mga turo nila; total, sabi nga nila, public place nan yan. Nasa kanila ang desisyon kung mananatili o hindi. Pero nasa sa akin din ang responsibilidad na depensahan ang mga tupa ni Jesus.)
*******************************************
Ito po ay abridged version lamang ng pag-uusap namin kanina; mejo mahaba-haba po kasi. Sa kabila ng pakiusap ko sa kanilang grupo, tatlong beses akong nakiusap, talagang matigas ang ulo. Anong sabi ni Apostol San Pablo tungkol sa bagay na ito? Sabi nya:

“Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may pagpapahinuhod at pagtuturo.” ( 2 Timoteo 4:2 Ang Dating Biblia)

 — engaging with Jehovah’s Witnesses at Most Holy Trinity Parish, Balic-Balic, Manila.