mula sa panulat ni:
P. Jeffrey Benitez Quintela

Alam mo ba kung anong “hindi maganda” sa pagiging pari? Yung pinatay ang kapatid mong pari, galit ka, gusto mong gumanti pero wala kang kakayahan at di daw dapat gumanti. Magtitimpi ka pa din ba kahit alam mong paglipol na ang nangyayari at hindi lang pagpatay? Kailangan huminahon pa rin?

Alam mo ba kung anong “hindi maganda” sa pagiging pari? Yung sinasaktan na kami pati ang aming kawan pero imbis na manakit din, sabi ng Arsobispo, magdasal, magprusisyon, mangumpisal, sumamba sa harap ng Banal na Sakramento at mag-ingay gamit lang ang batingaw. Fr. Soc, mapayapang pagkilos pa din?

Alam mo ba kung anong “hindi maganda” sa pagiging pari? Yun bang kahit nakakatakot, magsusuot ka pa din ng kasulya at stola — kahit alam mong maaaring ito na ang huling pagsusuot mo nito, dudulog ka pa din sa altar at sa sanctuario — kahit alam mong hindi na rin ito ligtas na lugar para sa yo at ipagdiriwang mo ang pag-aalay ng Katawan at Dugo ni Kristo — kahit alam mong sarili mo nang katawan ang posibleng mapaslang at sarili mo nang dugo ang dumanak.

Alam mo ba kung anong “hindi maganda” sa pagiging pari? Yun bang may galit ka sa mga pumaslang subalit habang hawak mo ang kalis ay sasambitin mo pa din ang mga katagang, “para sa inyo at para sa LAHAT sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan…” Pag nagsisi ang mga pumaslang, para din sa kanilang ikapagpapatawad?

Pero pari ako! Tinawag hindi upang ilagay ang batas sa aking mga kamay sa pamamagitan ng paghihiganti. Tinawag upang maging instrumento ng kapayapaan kahit sa maliit na mundo kong ginagalawan. Tinawag upang patuloy na mag-alay ng Sakripisyo ni Kristo sa altar. Tinawag upang maging daan ng ikapagpapatawad ng mga kasalanan sa misa at kumpisal.

Hindi mababago ng mga di kanais nais na mga sitwasyon ang aking misyon.

Hindi ako inaasahang gumanti, sapagkat kung nagkagayon, wala na akong pinagkaiba sa mga taong ang alam lamang ay manakit at pumaslang. Mapayapang pagkilos pa din, sapagkat kailanma’y di malulunasan ng isa pang karahasan ang nauna nang karahasan kundi sa pamamagitan ng kapayapaan lamang. Kailangang patuloy na magdiwang sa altar sa kabila ng mga pangamba upang maisakatuparan ang mga pangakong mangulo sa pag-aalay ng mga tao sa pakikiisa sa Sakripisyo ni Kristo. Kailangang patuloy na manalig sa mga salita ni Kristo na ang kapatawaran ay para sa lahat at wala akong karapatang diktahan si Kristo kung para lamang kanino ang pagliligtas.

Maaaring ito ang “hindi maganda” sa pagiging pari, subalit ito lamang ay sa mga mata ng iilang taong ang alam lamang ay maghiganti, pumatay, lumipol.

Sa huli, ang waring “hindi maganda” sa mga mata ng ilan ay siyang PINAKAMAGANDA sa mga mata ng Diyos. Ito talaga ngayon ang MAGANDA SA PAGIGING PARI!