ISANG PAGNINILAY-NILAY, AKO’Y ISANG KATOLIKO PERO GALIT AKO SA MGA PARI 

******************
Para sa mga hindi nakakilala sa akin, ako ay dating anti-Catholic. Para malaman mo ang conversion story ko, basahin mo lamang ang blog post na ito – http://www.filcatholic.org/my-conversion-story-why-i-became-a-die-hard-catholic

Ang article na ito ay hindi para sa mga kaibigan kong mga protestants, muslims, atheists, agnostics at iba pang mga sekta na hindi kabilang sa Roman Catholic Church. Ito po ay para sa mga kapwa katoliko kong minamahal. Kaliwa’t kanan kong nababasa sa social media na marami sa mga kapwa katoliko ko ang nagagalit sa mga pari. May mga nagsasabing, Ako ay Katoliko pero galit ako sa mga pari. Pagpasensyahan po sana ng mga makakabasa nito dahil ito lang ang kaya kong sulatin sana ay makatulong po itong konti kong kaalaman.
******************
Kung isinulat ko ang article na ito, hindi ito nangangahulugan na ako ay isang perpekto, tulad ng karamihan, marami din akong mga kahinaan at patuloy na nagdadasal sa Panginoong Diyos para ito ay aking maovercome.

Kung isinulat ko ang article na ito, hindi ito nangangahulugan na pinipilit ko ang iba na mawala ang kanilang galit sa mga pari. Ito ay isang paanyaya lang para sa maikling pagninilay-nilay.

Kung nabasa mo ang aking conversion story ay maiintindihan mo kung bakit ako bumalik sa Catholic Church. Hindi ko naging sukatan ang kabaitan ng maraming mga pari o ang kahinaan ng ilang mga pari.

Kung nakikita ng marami ang mga pagkukulang at nakakairitang ugali ng ibang mga pari ay nakikita ko rin iyon at mas lalo ang Panginoong Diyos dahil pinapagalitan nya rin noon ang mga pari (Malachi 2:1-6) pero kinikilala nya pa rin ang mga ito bilang kanyang mga sugo (Malachi 2:7). Gusto kong tanungin si LORD, bakit mo ginawang mga sugo mo ang mga Pari? Pero may karapatan kaya akong magreklamo kay LORD?

Kung naniniwala ako sa kinaaniban kong relihiyon, na ito ay ang Iglesyang itinatag ni Cristo, bakit ako nagpapaapekto sa mga ugali ng ibang mga pari? Katulad sa mga apostoles ay may Judas Iscariote (Juan 6:70-71), iiwanan ko ba ang samahan ni Cristo dahil lang sa isang Judas Iscariote?

Kung nagawa kong pansinin ang mga kasamaan at kahinaan ng ibang mga pari na nasangkot sa mga iskandalo, hindi ko ba kayang gawan ng paraan para mapansin ang mga kabutihan na nagawa ng ibang mga pari?

Kung ako ay nadisappoint sa mga kasamaan na nagawa ng ibang mga pari, hindi ba ako naiinspire sa mga hindi mabilang na kabutihan na ginagawa ng ibang mga pari?

Kung ang tanging sukatan ko ay ang kahinaan ng mga pari at mga leader ng simbahan, saang komunidad, grupo o sekta kaya ako pupunta na may mga perpektong mga leader at mga pastor? Meron ba?

Kung totoong nagbabasa ako ng bibliya, ng buong bibliya talaga. Bakit hindi ko basahin at unawain ang nakasulat sa Hebreo 5:1-2 na sa ganun ay pwedi akong magreklamo sa Diyos kung bakit mga tao pa ang ginawa nyang mga pari dahil sa may mga kahinaan ang mga ito? Pero may karapatan ba ako LORD na magreklamo sa iyo dahil ang pinili mo na maging mga pari ay mga tao at hindi mga anghel?

Kung bakit ako sumulat ng article na ito, dahil ba sa ako ay walang alam sa Bible, katulad ng sinasabi ng iba na nagbibingi bingihan, nagbubulag bulagan sa ginagawa ng mga pari? Katulad ng iba na nagsasabi na nagbabasa ng Bible nagbabasa rin ako, oo nagbabasa ako, hindi lamang ng english at tagalog na bible pati na ang orihinal na teksto ng bible nagbabasa ako.

Kung totoo akong nagbabasa ng bible, nabasa ko sa Roma 11:4-5, marami sa mga tao ng Diyos ang tumalikod sa kanya, pero mayroon pang nalalabing mga hinirang. Isa ba ako sa mga tatalikod dahil rin may mga tumalikod? o isa ako sa mga nalalabing hinirang?

Kung sinasabi kong ako’y isang katoliko, alin ang mas nararapat na gawin ko? ikakalat ko sa social media ang kahihiyan ng mga mga paring nagkasala o ipapanalangin ko na maitama nila ang kanilang pagkakasala? Alin kaya ang mas kalugod-lugod sa paningin ng Diyos?

Kung nakikita ko na may mga pagkukulang ang ibang mga pari sa pagtuturo sa mga kagaya kong ordinaryong katoliko, hindi ba ako magsisikap para makatulong sa ibang mga kapatid na naghahanap ng paliwanag na sa ganun ay maunawaan nila kung bakit sila mga katoliko at kung bakit nila ginagawa ang mga ganitong bagay?